Duldul, isang lutuing kalamay na namana ng ating mga ninunong Caviteno mula sa mga Maranao. Kahalintulad ito ng maja blanca subali't may kakaibang lasa na isa sa mga paboritong ihain na panghimagas. Mula ito sa paghahalo-halo ng mga sangkap na gata ng niyog, asukal at arina na tinunaw sa tubig, at isasalang sa tulyasi hanggang sa mamuo at maging kalamay. Subali't hindi magkakatulad ang pagkakaluto nito ayon sa pamamaraan ng pagluluto.
Ang sabi nga ng yumao kong ina, "walang tatalo sa duldul ni Ate Lily". Bagama't nangibang bayan na ang aking mga magulang halos 4 na dekada na ang nakararaan, lagi niyang tagubilin ang magpaluto nito bilang pasalubong sa kanya ng mga nagba-balikbayan. Gayundin kapag siya ay umu-uwi ng bansa, hindi niya nakakalimutan na magpaluto nito kapag siya ay nagpupunta sa Sinaliw. May pahabol pang ngang paluto na baon niya sa pagbabalik sa Canada.
Aking naaalala, noong ako ay bata pa, lagi ring may pasalubong ang aking Lola kapag siya ay nagsi-simbang gabi. Malapit ang aking lolo at lola kay Ate Lily dahil sa ang napangasawa niya ay ang isa sa mga pinakamamahal na pamangkin ng aking lolo. Naituring din nila na para na siyang anak lalo na ng mapatay ang kanyang asawa sa isang alitan. Naging malapit ko rin na kaibigan ang kanilang anak na si Modesto o Odie na siyang palayaw nito.
Maraming akong narinig na kuwento na naganap sa aming nayon noong panahon ng aking kamusmusan, kasama na ang mga malagim at madugong mga naging alitan. Nguni't pinili ko na alalahanin lamang ang mga magagandang nakaraan sa kadahilanan na ang mga ganoong alitan ay hindi na dapat na madugtungan pa ng sumunod na bunga ng bawat angkan. Maituring na lamang sila na bahagi ng kasaysayan.
At siyempre bukod sa duldul ay marami pang lutuin na karaniwang inihahanda para pagsaluhan. Ang paborito ng mga nanghaharana - nilupak na balinghoy at butsi na may palamang minatamis na tapilan. Ito rin ang malimit na iluto at pagsalu-saluhan kapag bakasyon na nagkikita-kita ang mga kabataan at magpi-pinsan.
Bukod pa roon ay paboritong lutuin ng aking lola, ang paradosdos at palutang. Hindi ko ito makaklimutan dahil mayroon kaming gilingang bato at karaniwan na may mga nagpupunta sa amin para makigamit. Karaniwan ay nahahatian kami ng galapong para gawing paradosdos o di kaya ay nag-gigiling na rin kami ng pansarili.
Maraming pananim ang lolo kaya karaniwan na sa amin ang magluto ng mga kakaning pangmeryenda tulad ng sinudsud na balinghoy, bukayo kapag maraming laglag na murang niyog, nilagang mani at saging, at ginataang halo-halo. Sagana rin kami sa prutas katulad ng langka, guyabano, kasoy, abokado, mangga, santol, kakaw, at kaymito. Ang panahon ng bakasyon ay parang "picnic" araw-araw.
Kapag buwan ng Mayo na may mga "cabesillo" at "cabesilla" ay hindi nawawala ang sumang-kambal na malagkit, at sopas. At kapag medyo nakaa-angat sa buhay ang may handa, may mga nilutong karne ng baboy at "arroz de Valenciana", ang kanin na maykulay.
O, kaysayang balikan ang mga alaala ng kabataan. Bagama't noong mga panahon na iyon at malimit kang nakatanaw sa kawalan. Nanood ng mga Layang-Layang na ibon na kung lumipad ay halos sumayad na sa lupa. Mga inahing manok kasama ang mga inakay na umaakyat sa puno kapag palubog na ang araw para duon ay humapon. Manghuli ng kagang at tutubi, at maghalukay ng kurok-kurok sa galbukan. At kapag walang magawa ay manguha ng babagan, timplahin sa asin, at magpapapak habang naghihintay ng hapunan.
Hindi mo maihahalintulad ang buhay ngayon sa panahon noon. Kapag nalaman ng mga kabataan na noon kahit kuryente ay wala, ang sagot sa'yo, "what the f***". Wala kang maipaliwanag na kanilang ganap na mauunawaan, na sa bagong mundo na kanilang iniikutan, parang magugunaw na ang mundo kapag ang kanilang "cellphone" ay nawalan ng signal.
No comments:
Post a Comment